Isang lola ang nasawi matapos na mahulog sa hagdan sa Calasiao, Pangasinan. Hinala ng mga awtoridad, baka sadyang "ikinulong" ang biktima sa bahay para maprotektahan dahil mayroon na itong memory loss, bagay na itinanggi naman ng kaanak.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawi na si Epifania Lotino, ng Barangay San Miguel.

Nabagok ang kaniyang ulo at naipit pa ang katawan sa puwang ng pader at hagdanan.

Ayon sa kaanak ng biktima na si Rick Velasco, nadiskubre nila ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima nang hanapin na nila ito para pakainin.

Lumitaw naman sa imbestigasyon ng pulisya na mag-isa lang sa bahay ang biktima nang mangyari ang insidente.

Posible umanong nais lumabas ng biktima kaya nagtungo sa hagdan pero nadulas at nabagok ang ulo.

Inihayag ni Police Lieutenant Jesus Flores, Deputy Chief ng Calasiao Police station, na wala namang nakikitang "foul play" sa nangyari.

Hinihinala rin ng mga awtoridad na maaaring nais lang na protektahan ng mga kaanak ang matanda kaya "ikinulong" sa bahay dahil mayroon na itong memory loss.

Pero itinanggi ni Velasco na ikinukulong nila ang biktima at iginiit na malaya itong nakakakilos sa bahay pero limitado nga lamang ngayon dahil sa pandemic.

Ayon naman sa Kathleen Balbuena, Special Concerns Unit Duty Officer ng DSWD-1,  kailangan ang masusing imbestigasyon sa nangyari at kung napatunayan na may pang-aabuso sa pagtrato sa isang matanda o sa kahit sa isang tao ay mayroon umanong karampatang parusa.--FRJ, GMA News