Isang babae na hinihinalang ginahasa ang natagpuang nakabaon sa lupa sa Rosario, Cavite, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Lunes.

Nahukay ang bangkay ng 12-anyos na biktimang si Luisa Alano Hilera sa bakuran ng isang bahay sa Barangay Muzon II.

Base sa death certificate, may palatandaan na ginahasa at sinakal si Hilera.

Suspek sa krimen ang may-ari ng bahay kung saan naatagpuan ang bangkay na si Erly Arguelles, na kaibigan daw ng pamilya ng biktima.

Sabi ng ina ng biktima, August 30 nang magpaalam ang kaniyang anak na maglalaro ng computer game, pero hindi na siya nakauwi at magdamag na hinanap.

Kinabukasan, may nagsumbong na kapitbahay na may narinig daw na humihingi ng tulong sa bahay ni Arguelles. Bagama't dinampot si Arguelles, pinakawalan din siya dahil sa kakulangan sa ebidensya.

Nang balikan ng mga kaanak ng biktima ang bahay ng suspek, doon na nadiskubre ang bangkay na nakabaon sa lupa at dinaganan ng mga sako ng buhangin. Wala na noon ang suspek sa bahay niya, na ngayon ay tinutugis na at nahaharap sa kasong rape with homicide. —KBK, GMA News