Patay ang Top 4 most wanted person sa bayan ng Matanog sa lalawigan ng Maguidanao, isa pa ang sugatan, at naaresto ang dalawang iba pa sa inilunsad na pinagsamang operasyon ng mga pulis at sundalo noong Biyernes.
Ikinasa ang joint Oplan Pagtugis at Paglalansag Omega ng PNP CIDG-BARMM at Marine Battalion Landing Team-5 sa Matanog dakong alas-tres ng madaling araw.
Kinilala ni CIDG Police Colonel James Gulmatico ang napatay na suspek na si Itek Dumran Cocoy, at ang sugatan na si Makasilang Abdulhazis .
Kinalala naman ang mga naaresto na sina Manan Macarimbang at Tingo Macasalong na kasalukuyang nasa kostudiya ng CIDG-BARMM sa PC Hill, Cotabato City.
Sa panayam kay Lieutenant Colonel Tino Maslan, commanding officer ng MBLT-5, isisilbi lang sana nila ang warrant of arrest na inisyu laban sa mga suspek sa Sitio Binical, at Sitio T'Ba (Poblacion) pawang nasa Brgy. Bugasan Sur, Matanog, nang manlaban umano ang mga ito.
Gumanti ang tropa hanggang sa tuluyang mapasuko ang mga suspek, pero habang ibinibyahe umano ng mga ito ng tropa patungong Cotabato City, ay nang-agaw ng baril si Itek at napilitan ang mga awtoridad na barilin siya at mapatay.
Nasa pagamutan ang isang nasugatan.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang caliber 30 BAR with SN 0-64234, anim na magazine para sa cal. 30 BAR, 40 rounds of cal. 30, isang homemade pistolized M79, tatlong HE 40MM ammunition, 1 cal. 38 SW 357 Magnum at isang AFP bandoler. —LBG, GMA News