Arestado ang isang 31-anyos na Koreano dahil sa pambubugbog sa kanyang Pinay na live-in partner, ayon sa ekslusibong ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.
Kinilala ang dayuhan na si Kang Min Seung.
Kumuha ng video ang 25-anyos na Pinay para idokumento ang mga pasa sa mukha, braso, hita, at sugat sa kamay na natamo sa pagmamalupit ng Koreano, na pitong buwan niya pa lang na kinakasama.
Bukod pa rito, gumagamit din daw ng droga at nag-uuwi pa ng ibang mga babae ang dayuhan sa kanilang bahay.
Natanggap ng National Bureau of Investigation (NBI) International Operation Division ang video at reklamo ng Pinay.
“Ang sumbong sa atin nitong biktima ay nagdodroga itong lalaki. Pinipilit itong ating complainant, itong biktima, na makipagtalik sa kanila,” sabi ni Ronald Aguto, hepe ng NBI Interpol.
“Hindi makontrol ng lalaki ang kanyang sarili kapag galit na galit. Napagbuhatan ng kamay at parang nauntog pa siya,” dagdag pa niya.
Tumanggi ang dayuhan na magbigay ng kanyang pahayag.
Sasampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act ang suspek.
Irerekomenda rin ng awtoridad na ipa-deport ang suspek. —Joviland Rita/KG, GMA News