Nahuli ng mga awtoridad ang dalawang suspek na namemeke umano ng mga lisensya at ibang pang government-issued na mga dokumento sa San Juan, Batangas.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, inaresto sina Joy Nepomuceno at Ronalyn Umali nang tanggapin ang pera mula sa undercover na pulis sa isang entrapment operation.
Nakumpiska sa kanila ang mga pekeng Land Transportation Office driver's license at Philippine Statistics Authority birth certificate.
“Nag-o-offer siya ng online processing ng mga government-issued IDs particularly 'yung LTO licenses kasi nagpakilala rin siya, 'yung suspek, na nagtratrabaho sa LTO,” sabi ni Philippine National Police Anti-Cybercrime Group 4A Chief Police Colonel Julius Suriben.
“At dahil nga daw pandemic, 'yung mga IDs available na siya through online application,” dagdag pa niya.
Umabot na sa P125,000 ang naibigay ng mga biktima sa mga suspek. Ayon sa mga biktima, hindi raw nila alam na peke ang mga dokumento.
Tumanggi ang mga suspek na magbigay ng kanilang pahayag.
“Kung ikaw, akala mo totoo 'yung ginagamit mong IDs o dokumento tapos later ginamit mo ito doon sa agency kung saan ka makikipag-transact ay puwedeng makasuhan ang mga tao natin for falsification of public document,” babala ni Suriben. —Joviland Rita/KG, GMA News