Isang lolo sa Pagadian City, Zamboanga del Sur ang pinatay umano ng kaniyang sariling pamangkin dahil daw sa away sa lupa, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Martes.
Sa loob mismo ng kaniyang bahay pinagbabaril ang biktimang si Pedro Alcasid, 74.
Ayon sa pulisya, kumakain si Pedro kasama ang kaniyang maybahay nang biglang pumasok sa kanilang bahay ang kaniyang pamangkin na si Virgilio Alcasid at pagbabarilin siya.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang krimen habang itinakbo naman sa ospital ang biktima ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Away sa lupa ang tinitignang ugat ng pamamaslang.
Patuloy na tinutugis ng pulisya ang suspek. —KBK, GMA News