Arestado sa entrapment operation ang isang security guard na nagbantang ikakalat ang mga pribadong larawan ng isang babaeng nakarelasyon niya online kung hindi papayag na makipagtalik sa kaniya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nahuli ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group 4A sa tapat ng isang mall sa Imus, Cavite ang suspek na si Reynaldo Ricaplaza, 42-anyos.
Ayon sa pulisya, nagkakilala ang suspek at ang biktima sa isang dating application na nauwi sa kanilang pagiging magkarelasyon online.
“Pumunta sa punto na nakumbinsi ang isa’t isa na magpasahan ng mga malalaswang litrato at mga gawain online pero kalaunan itong babae nagtaka at nalaman din niya na itong si security guard ay may asawa,” ani PNP Anti-Cybercrime Gorup 4A chief Police Colonel Julius Suriben.
“Gusto na makipagkalas nitong victim pero hindi pumayag itong suspek. Ang demand ng suspek ay kung hindi makikipagkita itong victim sa itinakdang araw na makikipagtalik ay ikakalat na niya online itong mga malalaswang litrato,” dagdag ni Suriben.
Nahaharap sa kasong grave coercion, paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act at Anti-Cybercrime Prevention Act si Ricaplaza, na 'di nagbigay ng pahayag.
Nagpaalala naman ang PNP-ACG 4A na huwag basta-basta magtitiwala online.
“Binibigyan natin ng warning ang mga tao, ‘yong mga mahilig mag-online at ‘yong mga sawi sa pag-ibig na naghahanap ng kakalinga sa kanila. ‘Pag may nakilala kayo online, lalo sa dating app, ‘wag po tayo basta magtiwala. Hindi pa natin sigurado ‘yong taong kausap niyo kung siya ba ‘yan, kung totoong pangalan ba niya,’ ani Suriben.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News