Dalawang magkahiwalay na pagsabog ang naganap sa Jolo, Sulu nitong Lunes, na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa 12 katao at pagkakasugat ng 34 na iba pa na kinabibilangan ng mga sundalo at sibilyan.

"Lima 'yung patay tapos 16 'yung wounded," sabi ni Western Mindanao Command chief Major General Corleto Vinluan sa GMA News Online.

"Malaki masyado 'yung IED na ginamit," dagdag niya.

Apat na sibilyan din umano ang nasawi sa naturang insidente.

Sa panayam naman ng Dobol B sa News TV, kay Lt. Col. Ronald Mateo, Civil Military Relations Officer of the 11th infantry division, sinabi nito na anim na ang sundalong nasawi sa insidente.

"Mayroong dalawang magkasunod na pagsabog dito kanina. 'Yung una is 11:55 a.m. and then 'yung pangalawa ay 1 p.m. As of now, anim na killed in action na sundalo at 18 na wounded in action na sundalo," ayon kay Mateo.

Kinalaunan, sinabi ng opisyal na tumaas pa sa pito ang nasawing sundalo, at 19 ang nasugatan.

Mayroon din umanong anim na pulis at siyam na sibilyan na nasaktan.

Ayon kay Mateo, ang unang bombang sumabog ay nakalagay sa isang nakaparadang motorsiklo.

"'Yung unang pagsubog is vehicle-borne improvised explosive device wherein nakakabit sa motorcycle then itinabi doon sa location ng mga sundalo natin pati mga civilians," pahayag ni Mateo.

Ang ikalawang bomba naman ay pinasabog umano ng babaeng suicide bomber.

Ayon kay Vinluan, hindi pa tukoy ang nationality ng suicide bomber.

Hinihinala niya na Vinluan na si Mundi Sawadjaan, na may kaugnayan sa Abu Sayyaf Group, ang nasa likod ng pag-atake.

"Ang may pakana lang talaga diyan si Mundi Sawadjaan. Actually siya na rin 'yung mastermind sa bombing doon sa Cathedral, sa Indanan..." pahayag ni Vinluan.

"Siya na, wala nang iba... wala nang ibang capable na mag-execute niyan kung hindi siya lang..." patuloy ng opisyal.

Ayon pa kay Vinluan, bukod sa dalawang suicide bombers, kasama umano si Sawadjaan sa target  ng mga sundalong intelligence officer na napatay ng mga pulis sa pamamaril sa Jolo noong June 29.

"Actually, 'yun 'yung sinusundan namin noong... kaya nga may namatay na apat na sundalo noon 'di ba? Ang target nila 'yung suicide bombers plus si Mundi Sawadjaan," giit niya.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang klase ng pampasabog na ginamit sa pambobomba.

Ayon kay Police Regional Office - Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao chief Police Brigadier General Manuel Abu, na nangyari ang unang pagsabog sa Barangay Walled City dakong 11:40 a.m.

Hinihinala ni Mateo na ang ASG ang nasa likod ng pag-atake, dahil na rin sa pagkakaaresto kamakailan sa kanilang lider na si Anduljihad "Idang" Susukan.

"Most probably ang terroristic act na ito is being perpetrated by the Abu Sayyaf group," sabi ni Mateo. "'Yan pa 'yung tinitingnan namin. We cannot still establish kung retaliatory ba nila 'yan."—KG/FRJ, GMA News