Isang lalaki na nagpapanggap na magandang babae sa dating app ang inaresto matapos ireklamo ng pangingikil ng pera sa isang lalaki na kaniyang biniktima at napapayag na gumawa ng kalaswaan online.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Ryan Carlos. Kasamang dinakip ng mga pulis ang kaniyang kasambahay na kasabwat daw nito sa krimen.
Naaresto si Carlos sa inilatag na entrapment operation ng mga operatiba ng PNP-Anti Cybercrime Goup Region 4-A, na pinamumunuan ni Police Colonel Julius Suriben.
Kaagad na kumilos ang mga pulis nang makuha ng suspek ang ipinadalang pera ng biktima na hiningi niya kapalit nang hindi umano pagpapakalat ng malaswang video ng biktima.
Ayon sa pulisya, modus ni Carlos na magpanggap na magandang babae gamit ang larawan ng ibang tao na inilalagay niyang profile picture para maghanap ng mabibiktima sa dating app.
"Sinabi ng suspek na gumawa sila ng malaswang bagay online. Nauna itong si victim na gumawa ng isang malaswang sitwasyon online, na hindi niya alam habang ginagawa niya ang kalaswaan eh inire-record na pala nitong suspek," sabi ni Suriben.
Nang mai-record na umano ng suspek ang kalaswaan na ginawa ng biktima, doon na ito humingi ng P10,000 kapalit nang hindi pagpapakalat ng kaniyang video.
Lumabas din sa imbesigasyon ng pulisya na hindi ito ang unang pagkakataon na nakapambiktima ang suspek.
Sinisikap pang makuha ang panig ng suspek na nahaharap sa reklamong robbery extortion at paglabag sa anti-voyeurism act.--FRJ, GMA News