Tatlong suspek na nanlaban umano ang napatay ng mga pulis sa magkakahiwalay na operasyon kontra krimen sa General Santos City, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Unang napatay ang suspek na si Aquilino Ramos Jr. sa isang buy-bust operation.

Nagnakaw naman umano ng motorsiklo ang suspek na kinilala lang sa pangalang Jolor at ang hindi pa nakikilalang kasama niya.

Natunton daw si Jolor at kasama niya sa isang follow-up operation ng mga pulis. Nang pahintuin daw ay bumunot ng baril ang mga salarin kaya gumanti ang mga otoridad.

Samantala, arestado ang dalawang lalaki sa Calauan, Laguna matapos maging viral ang video nila na nagpa-pot session kung saan parang hinahamon nila ang mga pulis na hanapin sila.

Kinilala ang dalawa na sina Dante Sevilla at Roderick Bermil. Aminado sila na gumagamit sila ng droga pero itinanggi nilang sila ang nag-post ng video.

Panawagan ng isa sa mga suspek sa publiko, huwag silang gayahin dahil mahirap magtiis sa kulungan lalo na raw kung may pamilya na. —KBK, GMA News