Sugatan ang parehong driver at parehong pahinante ng isang delivery van at isang trailer truck salpukan ng mga ito as Andaya Highway, Barangay Comadogcadog, Del Gallego, Camarines Sur.

Nangyari ang aksidente pasado alas-dies ng gabi nitong Sabado.

Ayon sa report ng Del Gallego Municipal Police Station, patungong Bicol ang delivery van nang salubungin nito at salpukin ang trailer truck na patungo naman sa Maynila.

Photo courtesy: Del Gallego MPS
Photo courtesy: Del Gallego MPS

Sa lakas ng pagsalpok ay nahila palabas ng kanyang linya ang ulo ng trailer truck habang sumalpok pa sa gate ng isang warehouse ang delivery van. Wasak na wasak ang unahan ng dalawang truck.

Nagtulong-tulong ang MDRRMO, PNP, BFP at iba pang rescuer na makuha sa loob ng truck ang mga sugatan. Tumagal ng mahigit isang oras bago nakuha ang mga ito matapos maipit sa mga bakal.

Nagtamo ng head injury at bone fracture ang mga biktima.

Agad silang isinugod sa Tagkawayan District Hospital sa Tagkawayan, Quezon at kinalaunan ay inilipat sa mas malaking pagamutan sa Naga City, Camarines Sur.

Ayon pa sa Del Gallego Municipal Police Station, kwento raw ng driver ng delivery van ay nawalan sila ng preno. Inaalam pa ngayon kung totoong nakainom ng alak ang driver ng delivery van.

Sa mga oras na ito ay hindi pa dumarating ang mga may ari o kinatawan ng dalawang truck na sangkot sa aksidente.  —LBG, GMA News