Napabilang ang tatlong bata sa walong bagong kaso ng COVID-19 sa Batangas City, ayon sa local health office.
Sa ulat ng 24 Oras News Alert nitong Sabado, inilahad ng City Health Office na base sa kanilang datos, isa, lima, at 11, ang edad ng mga bata na residente ng Barangay Pallocan West.
May nakasalamuha raw silang isang COVID patient kaya nahawaan sila ng sakit.
Tatlo naman ang bagong kaso ng COVID-19 sa Lobo, Batangas, na mga nagkaroon din ng exposure pero naging asymptomatic sila.
Nagtala naman ang Mataas na Kahoy ng 51 total cases sa kabuuan matapos ang 14 bagong COVID-19 cases, kabilang ang isang babae na may ubo, at dalawang lalaki na asymptomatic.
Sa Padre Garcia, isang OFW ang naging ika-12 na kaso na nagpa-swab test dahil requirement sa kanila ito ng kumpanya bago muling umalis sa bansa.
Sa kabuuan, 1,755 na ang mga kaso sa probinsiya ng Batangas kung saan 970 ang active, 727 ang gumaling at 58 ang namatay. —LBG, GMA News