Patuloy na nagsusumikap ang isang 72-anyos na lola na bolo holster maker para masuportahan ang kaniyang asawa na isang person with disability (PWD) sa Calasiao, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmine Gabriel-Galban ng GMA News "Balitang Amianan," inilahad ni Nanay Laura dela Cruz ng Barangay Gabon na napilitan tumira ang kaniyang pamilya sa Calasiao nang masira ang kanilang bahay dahil sa lahar matapos sumabog ang Bulkang Pinatubo noong 1991.
Wala raw silang naipon, bahay at kabuhayan.
"'Yung isang gumagawa ng gulok diyan, binigyan kami ng konting puhunan. 'Yun na lang ang pinag-umpisa," ani Nanay Laura.
Magmula noon, ito na ang kanilang naging kabuhayan, at nakilala siya bilang isang bolo holster maker sa Calasiao.
Kumakayod pa rin si Nanay Laura sa kaniyang edad, ngunit hindi na para sa mga anak kundi para sa kaniyang mister na may kapansanan.
"Na-stroke si tatay noong 2014, tapos ako na lang ang gumagawa. Ako na lang 'yung nananahi, naghahanap-buhay tapos tinutulungan ako ng mga anak ko na gumagawa," sabi ng ginang.
Hinahangad aniya ni Aling Laura ang kaligtasan at kalakasan ng pamilya, lalo ng asawa.
Sa kabila ng pandemya, naniniwala raw si Aling Laura na mapagtatagumpayan ang hamon ng buhay sa pamamagitan ng pananalig sa Poong Maykapal. —LBG, GMA News