Limang tao ang naospital sa Calasiao, Pangasinan matapos nilang kainin ang kabuteng nakuha nila sa bakuran.
Tumubo raw ang kabute matapos umulan sa Barangay Nagsaing, ayon sa ulat ng Balitang Amianan na ibinahagi ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Live sa Unang Balita nitong Martes.
Ilang oras matapos kumain ang limag magkakamag-anak, nagsuka na sila.
Dinala sila sa ospital. Dalawa sa kanila ang kinailangang i-confine.
Maayos na ang kondisyon ngayon ng mag-anak.
Ayon sa Pangasinan Provincial Health Office, may mga kabute na kapag kinain ay magdudulot ng pagsusuka at pagdudumi, at kapag lumala ay puwedeng humantong sa paralysis o kamatayan.
"Hindi natin ini-encourage ang mga kababayan natin na kumuha lang ng mushroom or uong sa mga backyard natin at kainin po nila dahil ang mga mushroom, marami po silang toxins," ani Dr. Anna de Guzman, provincial health officer ng Pangasinan. —KG, GMA News