Patay ang isang 8-anyos na batang babae habang kritikal naman ang dalawa niyang kaanak matapos silang paghahampasin ng hinihinalang hollow blocks sa loob ng kanilang bahay sa isang pribadong compound sa San Mateo, Rizal.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing duguan ang mga biktimang sina Kristine Arias, 8; Luningning Mcdonald, 84; at Eduardo Masigla, 58, nang matagpuan nakahandusay sa sahig ng kanilang bahay dakong 9:00 am kanina.

Ayon sa mga awtoridad, idineklarang dead on arrival sa ospital ang bata, habang malubha naman ang tinamong mga sugat sa ulo nina Mcdonald at Masigla na masusing inoobserbahan sa pagamutan.

Sinabi ng mga kaanak ng biktima, na nalaman lang nila ang nangyaring krimen nang magpunta sa bahay ang pamangkin para sana humiram ng bisikleta.

“‘Nay, si lola puro dugo sa sahig nakahiga.’ Sa dami pong nagbabantay dito na alaga namin, walang kumahol, walang nag-ingay. Sobrang tahimik po talaga,” pahayag ng isang kaanak ng mga biktima.

Sinabi naman ng San Mateo Police, na lumabas na walang senyales ng puwersahang pagpasok sa loob ng bahay ng mga biktima.

“Kung titingnan natin, lalong-lalo na walang nawawalang gamit so siguro ang puwedeng motibo natin na makikita dito is pagganti o kaya may galit talaga sila sa pamilya nila kaya ganoong katindi ang ginawang pananakit sa mga biktima,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Jaycon Ramos, hepe ng San Mateo Police.

Posible rin daw na higit sa isa ang suspek ng krimen, maaaring lango sa droga.

“Medyo kritikal po kasi may mga tama po sila sa ulo," saad ni Ramos. "Binalot siguro ‘yong hollow blocks para siguro mas intact o mas buo ‘yong magiging impact doon sa paghahataw nila sa mga biktima.” 

May siyam na persons of interest na inimbitahan ng pulisya para tanungin tungkol sa naganap na krimen.

Kasama sa mga POI ay ang ilang kamag-anak ng mga biktima at gumagawa sa kanilang bahay.

Kabilang din ang isang kaanak na nagkaroon umano ng pakikipagtalo sa biktimang si Masigla bago nangyari ang krimen. --Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News