Natagpuang patay ang isang ginang sa loob ng isang tricycle sa San Antonio, Nueva Ecija. Ang kaniyang mister, suspek dahil iniuwi niya ang tricycle at bangkay ng asawa mula sa lugar na itinuturing crime scene.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Rosalinda Cortez, 40-anyos, na natagpuang may bakas ng pananakal sa Barangay Luyos.
Itinurong suspek ang mister niyang si Mario, na unang dumating sa crime scene at inuwi ang tricycle at labi ng misis kaya nagduda na ang pulisya.
Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na huling araw na nakitang buhay ang biktima noong sabay silang lumabas ng mister para magdeposito sa bangko. Pero si Mario na lang ang umuwi.
Madalas din umanong mag-away ang mag-asawa, ayon sa kanilang mga kaanak at anak.
Agad namang dinakip at inireklamo ng parricide si Mario na tumanggi sa akusasyon sa kaniya.
Hinihintay ang autopsy sa labi ng biktima.
Samantala sa Marcos, Ilocos Norte, sugatan ang magsasakang si Jerome Pascual matapos pagsasaksakin ng pamangking si Benedict Montalana.
Dati nang may alitan ang dalawa at nakatakda sana silang mag-usap bago ang insidente.
Lumabas sa imbestigasyon na hinarang ni Pascual ang nakamotorsiklong pamangkin saka niya ito pinagsusuntok.
"Noong hinarang po niya 'yung sinasakyan nilang motor, sinuntok na po niya bigla. As a result ng pagtatanggol sa sarili (suspek) niya, nakipagsuntukan din then meron naman pala siyang dala-dalang kutsilyo," sabi ni Police Captain Jonevale Maramag, hepe ng Marcos Police.
Nahaharap sa reklamong frustrated murder si Montalana na humingi ng tawad sa tiyuhin, pero iginiit na self-defense ang nangyari.
Patay naman ang magtiyuhing sina Ramy at Jerwin Cadampog nang matabunan sila ng lupa sa Barangay Talamban, Cebu City
Nangunguha ng buhangin ang mga biktima sa isang tunnel umaga ng Linggo, pero natabunan sila dahil malambot ang lupa dahil nasa tabing ilog ito.
Gumamit ng heavy equipment ang mga awtoridad para masagip ang magtiyo pero dead on arrival na sila sa ospital.--Jamil Santos/FRJ, GMA News