Dahil hindi mabayad sa renta sa inuupahang kuwarto sa isang apartment dahil sa kawalan ng trabaho dulot ng lockdown, isang pamilya ang pinalayas ng kanilang kasera at napilitang tumira sa barung-barong. Ang kasera, mahaharap naman sa imbestigasyon.
Sa ulat ni Nico Waje sa Stand For Truth, maririnig sa isang video ang sigawan at sagutan sa isang apartment building. Pagkatapos ng komosyon, makikita na ang gamit ng pamilya Remollo na nasa lapag at sira-sira dahil pinalalayas na umano sila ng landlord sa kanilang kuwarto.
Napilitang sumilong ang pamilya Remollo sa barong-barong sa bakanteng lote, na ginawa nila mula sa mga pinagtagpi-tagping mga kahoy at plywood na ipinahiram ng mga kapitbahay.
Sinabi ni Santiago Remollo, na gusto silang paalisin kaagad ng may-ari ng apartment matapos ma-lift sa general community quarantine (GCQ) ang Cavite noong Mayo 16, dahil sa limang buwang utang na nila sa upa.
Nag-usap na raw sila noon na huhulugan nila ang utang kapag nakatrabaho na.
"Eh wala naman income ko kasi lockdown. Hindi makahanap ng trabaho. Talagang pilit kaming paalis. 'Pag 'di raw aalis, 'yung mga gamit namin ilalagay sa labas, ibaba," sabi ni Santiago.
Bigla na lang umanong pumasok sa kanilang kuwarto ang asawa at anak ng landlady.
Ayon kay Julie Ann Remolli, anak ni Santiago, sinaktan ng mga pumasok sa kanilang inuupahang kuwarto ang kaniyang kapatid at kaniyang ama.
Nagtamo ng sugat sa ulo at bukol si Santiago, samantalang iniinda ni Japeth Remollo, anak din ni Santiago, ang tinamong suntok sa dibdib.
"Nakita ko po sa kaniya na lasing siya po. Nakainom po nu'ng time po kaya ganoon pa siyang umasta po," sabi ni Japeth.
Ang itinuturong nanakit sa pamilya Santiago ay ang mag-aamang Renato, Richard at Robinson Villalobos.
Nang magharap-harap sa barangay, si Renato lang ang nagpakita at itinanggi ang paratang.
"Humarang lang ako, umawat ako sa kanila, pigilan na 'yan, konting bagay lang 'yan, ilaw lang," sabi ni Renato.
Ayon sa barangay, dati na ring sinampahan ng reklamo ng asawa ang anak ni Renato na si Richard dahil sa pambubugbog.
Itinanggi naman ni Lelita Villalobos, landlady, na pinalalayas nila ang pamilya Remollo. Sa halip, kusa raw umalis ang pamilya.
"Hindi po ako nagsabi sa kanila na aalis sila, sila po ang kusang umalis. Kasi po ang bayad nila, January pa. Ilang buwan po 'yon, January, February, March, April, May. Wala pa ring tubig, kuryente. Kahit paano magbigay sila sa akin dapat sa tubig, sa kuryente noong nakakuha sila ng P6,500, hindi nga po sila nagbigay kahit P500 sana, wala," sabi ni Lelita.
Ayon naman sa pamilya Remollo, hindi lang sila ang pinalalayas kundi pati iba pang nakatira sa tatlong palapag na apartment.
Marami sa kanila ang hindi nga sinaktan para lumayas pero pinutulan naman ng kuryente.
Isa sa pinutulan ng ilaw ang buntis na si Abegail Benito. Binigyan din daw siya ng isang linggo lang na palugid.
Sapilitan pa umano silang pinagbayad nang makuha nila ang ayuda mula sa DSWD.
"Kinuhanan kaming tig-iisang libo bawat kuwarto. Eh hinahanap pa nga 'yun ni madam eh, bakit ang bilis daw naubos ng ayuda," sabi ni Benito.
Ayon naman sa tenant ding si Carmel Palakol, walang pakialam umano ang landlady kahit may "Bayanihan To Heal As One Law."
Reklamo pa ng mga tenant, walang resibo na ibinibigay sa kanila ang kanilang kasera, na aminado naman ang may-ari ng paupahan.
Wala rin daw business permit ang may-ari, pero ayon kay Renato, nasa nanay niya ito.
Sinusuri na rin ng lokal na pamahalaan ng Dasmariñas kung may business permit ang gusali.--Jamil Santos/FRJ, GMA News