Tatlong lalaki na nagbanta umano laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa social media ang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Cebu nitong Huwebes.
Ayon sa ulat ni Greggy Magdadaro ng Super Radyo Cebu sa Dobol B sa News TV, isang security guard sa Lapu-Lapu City na si Dether Japal, 31-anyos ang sumuko sa mga awtoridad .
Sabi ni Japal na matagal na raw ang kaniyang post laban kay Duterte at itinangging nag-alok siya ng pabuya. Ayon kay Japal, hindi raw siya naglagay ng presyo sa kanyang post na kumakalat na ngayon.
Sa Cebu City naman, dalwang barangay tanod din ang humarap sa NBI para sumailalim sa imbestigasyon hinggil sa social media post kung saan binantaan nila umano si Duterte.
Sa social media post, makikita raw na may hawak pang mga armas sina Alvin Cabigon at Rendel Fajardo.
Ayon kay Cabigon, iniba na raw ang caption sa kumakalat na bersyon ng kaniyang post.
Iimbestigahan pa ng NBI Region VII kung mahaharap sa kaso ang mga sumukong indibidwal. —Joviland Rita/LBG, GMA News