Isang construction worker na nag-alok umano ng P100 milyong "pabuya" sa social media para patayin si Pangulong Rodrigo Duterte ang inaresto ng mga awtoridad nitong Martes sa Aklan.

Sa impormasyon na ibinigay ng Malay Police Station nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Ronald Quiboyen, 40-anyos.

Nangyari ang pagdakip kay Quiboyen ilang araw matapos na arestuhin naman ang isang guro sa Pangasinan na nag-alok din sa social media ng P50 milyon pabuya sa sinomang makakapatay umano sa pangulo.

Ayon sa Malay Police, inaresto si Quiboyen matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa ginawa nitong "seditious" post sa Facebook.

"'Yong 50 milyon nyo doblihin ko, gawin kung 100 milyon kung sino makapatay kay Duterte nandito ako ngayon sa Boracay...," saad umano sa post ni Quiboyen.

 

 

Ayon kay Malay police chief Police Lieutenant Colonel Jonathan Pablito, natukoy kaagad ang kinaroroonan ng suspek dahil dati na siyang may  police record bunga ng paglabag sa batas trapiko.

"Hindi niya akalain matunton siya sa dami ng tao ng Boracay pero may prior record siya kaya na-locate namin. Otherwise, baka natagalan or nakapagtago pa siya," anang opisyal.

Mahaharap umano si Quiboyen sa reklamong paglabag sa Article 142 ng Revised Penal Code (Inciting to Sedition).

Una rito, isang guro ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation dahil sa pag-aalok ng P50-milyon pabuya para patayin si Duterte.

Labis na nagsisisi ang guro sa kaniyang ginawa at humingi ng tawad sa pangulo.—FRJ, GMA News