Inihayag ni Cebu Governor Gwen Garcia na nadagdagan ng 37 ang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan. Kabilang dito ang 18 bilanggo sa piitan na kilala sa kanilang "dancing inmates."
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing kabilang sa mga bagong kaso ay kinabibilangan ng 18 bilanggo sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center.
Una rito, iniulat din na mahigit 200 bilanggo o persons deprived of liberty (PDL) sa Cebu City Jail ang nagpositibo rin sa virus.
Inihayag naman ng Bureau of Jail Management and Penology, na mayroon na rin kaso ng COVID-19 sa Mandaue Jail sa Cebu, Quezon City Jail, Correctional Institute for Women, at New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
Nitong Martes, sinabi ng Depatment of Health na mayroong kabuuang 454 COVID-19 cases sa Cebu, kung saan 14 ang gumaling at anim ang nasawi.--FRJ, GMA News