Tinanggihan ng isang benepisyaryo ng Social Amelioration Program sa Magpet, Cotabato ang mododoble sanang ayuda dahil sa konsensiya na marami pang iba ang nangangailangan.

Sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Miyerkoles, sinabi ni Whendy Pido na ibinalik niya ang form para sa P5,000 na ayuda dahil nakatanggap na ang kanyang mister.

“Hindi ko nahawakan 'yung P5,000 talaga. Bale, ‘yung papel na sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) ho ‘yung sinurrender ko kasi nga ho doble na ho 'yung matatanggap namin,” sabi niya.

“Mahirap din po kasi na doble ‘yung matatanggap ko tapos 'yung iba ni piso walang matatanggap. Tapos ang sarap ng kain ko, ‘yung iba kumakalam ang tiyan, walang kinakain,” paliwanag niya.

Ayon kay Whendy, sa magkasunod na araw nila sana matatanggap ang dobleng ayuda.

Sabi niya malaking tulong na rin daw sa kanila ang perang unang natanggap ng kanilang pamilya.

Sinabi ni Whendy na na-double entry daw silang mag-asawa sa listahan.

“Sana po ‘yung mga taong nagdodoble ‘yung nakuhang benepisyo galing sa gobyerno ay huwag naman po sana nating kamkamin lahat,” payo ni Whendy.

“I-share naman po natin dahil hindi lang naman tayo ang  naghihirap. Lahat naman po tayo ay naghihirap. Sana magtulungan na lang po tayo lahat,” dagdag niya.

Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government na ipaskil sa mga barangay ang listahan ng mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program.

Sang-ayon naman ang DSWD dito.

Ayon sa Bayanihan to Heal as One Act, 18 milyon ng mga low-income na pamilya ang makakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program ng gobyerno. Ang ayuda ay ibibigay upang makatulong sa kanila habang may krisis dahil sa COVID-19. —Joviland Rita/KG, GMA News