Nanindigan ang isang buntis na ginang sa Balagtas, Bulacan na namimili ang kanilang barangay ng bibigyan ng ayuda kaya nag-post siya ng hinanakit sa social media.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ni Janessa Joy Cardenas, siyam na buwang buntis, kung papaano siya tinanggihan ng social worker na bigyan ng social amelioration form.
"Hindi daw po ako pwede at tinanong ako nung lider kung ako daw po ay botante dito," sabi ni Cardenas na mayroon pang dalawang anak at walang trabaho ang asawa dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.
"Kung 'yon daw sa duluhan ay pilay, hindi daw nila binigyan, ako pa raw buo ang kamay ko, may mata ko at paa, bibigyan nila? Hindi ko po natanggap kung paano po nila kami kinausap," dagdag ng ginang.
Itinanggi naman ng social worker ang mga paratang ni Cardenas.
"Ikaw naman ka'ko buo ang paa mo, buo ang kamay, buo ang katawan mo, buntis ka lang qualified ka, pero ang asawa mo sinabi mo nga may trabaho, ibig sabihin meron ka pang pang-ano..." paliwanag ng social worker na tumangging humarap sa camera.
Hindi rin daw totoo na tinanong niya si Cardenas kung botante ito.
"Hindi ko sinabi kung sino butante. Basta sabi ko sa kanya, babalikan ko siya kinabukasan," sabi nito.
Ayon kay Cardenas, binigyan siya ng social amelioration form kinabukasan at ipinatawag sa barangay kung saan binigyan pa siya ng ilang ayuda. Pero kasabay nito, ipabura raw sa kaniya ang video na ipinost niya sa Facebook sa harap ng mga pulis.
Itinanggi naman ito ng opisyal ng barangay at sinabing nagpatawag lang sila ng pulis para maging saksi sa pag-uusap.
"Siya ang nagsabi na buburahin niya 'yung video niya dahil doon sa kanyang pagkakamali na nabuyo lang siya ng mga kapitbahay niya, kaya niya nagawa iyon," ani Danilo Ortiz, barangay treasurer ng Panginay.
Giit naman ni Cardenas, nagsisinungaling daw ang barangay.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News