Isang anim na buwang gulang na sanggol ang nasawi matapos na tamaan ng bala mula sa baril na ipinutok umano sa lupa ang kaniyang ama na sinasabing lasing sa Lake Sebu, South Cotabato.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabi ng ina ng bata na nanonood sila ng tv ng kaniyang anak sa kapitbahay nang pauwiin sila ng mister niyang si Rudy Uga, na umano'y lasing.

Pagdating sa bahay nila, naabutan niya ang mister na may hawak na baril at nagpaputok sa lupa. Pero tumalsik umano ang bala nito at tinamaan ang kanilang anak.

Kaagad isinugod sa ospital ang sanggol pero binawian din ng buhay.

Tumakas naman ang suspek at tinutugis na ngayon ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News