Natagpuan ng mga residente sa gilid ng isang sapa sa Capiz ang isang patay na sanggol noong Sabado ng umaga.

Iniulat ng Balitanghali na nalaman lamang ng ina ng sanggol na si Maria Izabel Untayao na nawala sa tagiliran niya ang kaniyang anak mag-uumaga na.

Pahayag ng ina, nalaman niya na nawawala ang kaniyang anak dakong alas-tres na ng madaling-araw noong Sabado.

Dagdag niya, dalawang oras bago noon, pinadedede pa niya ang sanggol.

Bandang alas-otso na ng umaga matagpuan ang bangkay ng sanggol sa kalapit na sapa. At hindi pa malinaw kung paano napunta doon ang bata.

Nang isinugod sa ospital ang bata, idineklara ng duktor na patay na ito. —LBG, GMA News