Patay na nang matagpuan sa isang baybayin sa Negros Oriental ang mangingisdang ilang araw nang nawawala. Ang ilang bahagi ng katawan ng biktima, nawawala.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing Agosto 1 nang umalis ng bahay ang biktimang si Rogelio Morito para mangisda pero hindi na nakabalik.
Nitong Huwebes ng hapon, nakita ang kaniyang bangkay sa baybayin ng Barangay San Miguel sa bayan ng Bacong, na putol ang kaliwang binti at kanang braso.
Hinala ng kaniyang pamilya, posibleng tumaob ang ang bangka ng biktima sa kasagsagan ng maalong kagaratan bunsod ng hanging habagat.
Inihayag naman ng pulisya na baka naputol ang ilang bahagi ng katawan ng biktima dahil naagnas na ang kaniyang bangkay.--FRJ, GMA News