Isang pampasaherong bus ang nahulog mula sa tulay sa bahagi ng North-Luzon Expressway sa San Fernando, Pampanga. Sa kabutihang palad, mababa lang ang bahagi ng tulay na binagsakan ng bus.
Sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na mabagal naman daw ang andar ng mga sasakyan sa NLEX pero may isang humaharurot na truck sumalpok sa likuran ng bus.
Naging dahilan ito ng karambola ng siyam na sasakyan at sa lakas ng impact, nahulog ang bus mula sa tulay.
Nabagsakan pa ng bus ang isang suv na nakaparada sa ibaba ng tulay.
Halos kalahati ng bus ang bumagsak mula sa tulay at nabasag ang windshield nito. Sa kabuting palad, walang nasaktan sa mga sakay ng bus.
Dalawa naman mula sa mga nadamay na sasakyan ang nagtamo ng minor injuries.
Depensa ng driver ng truck na si Gerald Navarro, hindi kinaya ng preno ng kaniyang sasakyan ang pagtigil kaya nasalpok niya ang bus.
Hindi naman daw matulin ang kaniyang pagpapatakbo.
Dakadetene ngayon ang driver ng truck sa pulisya ng San Fernando habang patuloy ang imbestigasyon. --FRJ, GMA News