Isang lalaki ang nasawi sa Lipa, Batangas, habang sugatan ang kaniyang asawa matapos silang masagasaan ng jeep na umusad matapos namang salpukin ng bus na nawalan daw ng preno. Ang mga biktima, tumatawid sa pedestrian lane.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang nasawing biktima na si Marvin Mancero.
Sugatan naman ang kaniyang misis na si Shella, kasama ang sampung iba pa na sakay ng jeep.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang mag-asawa na nauna sa iba pang tao na tumatawid sa pedestrian lane sa JP Laurel highway sa Barangay Tambo.
Malapit na sana sa bangketa ang mag-asawa nang bigla silang masagasaan ng jeep na nasalpot mula sa likuran ng isang bus, na ayon sa drayber ay nawalan ng preno.
Naisugod pa sa ospital ang mag-asawa pero kalauna'y binawian din ng buhay ang lalaki.
Kusa namang sumuko ang drayber ng bus na si Kerwin Reyes at ipinaliwanag na nawalan ng preno ang kaniyang sasakyan kaya natumbok ang jeep.
Nangako rin siyang tutulong sa lahat ng mga nabiktima ng insidente.
Sa San Ildefonso, Ilocos Sur, nasawi ang rider ng motorsiklo na si Eric Tabali nang bigla siyang sumalpok sa kasalubong na kotse.
Sa lakas ng pagkakasalpok ni Tabali, makailang beses siyang nagpaikot-ikot sa ere bago bumagsak.
Ligtas naman ang tatlong sakay ng nasalpok na kotse.
Sa Laoag City, Ilocos Sur, nasugatan ang mag-live in partner na sina Francis Lopez, at Ninia Quidang, at labing-isang taong gulang nilang anak nilang si Joaquin, nang bumangga ang sinasakyan nilang van sa isang poste ng telepono.
Ayon sa pulisya, iniwasan ng van ang sign board sa kalsada at nawalan ng kontrol sa manibela hangang sa masalpok ang poste. --FRJ, GMA News