Dahil sa kakulangan ng mga silya at lamesa sa silid-aralan, gumawa ng paraan ang isang 15-anyos na estudyante sa Camarines Sur para may magamit siya sa klase.
Ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Lunes, napilitang sumalampak sa sahig ang ilang mga estudyante sa Jose De Villa National High School sa Calabanga para makapagsulat.
Dumiskarte si Miguel Galarde at gumawa siya ng sariling silya at lamesa para maayos siyang makapag-aral.
"Ginawa ko lang po ‘to dahil mahirap man po sa akin na, sa amin pong lahat, na wala pong upuan. Naisip ko po na siguro gumawa po ako ng upuan para komportable naman po ako sa pagsusulat," sabi ni Miguel.
Tinulungan siya ng kanyang kapatid sa paggawa ng silya at lamesa gamit ang pira-pirasong kahoy na nagkalat sa kanilang bahay.
Ayon sa guro ni Miguel na si Margie Cabrera, nagkusa raw ang estudyante niya na gumawa ng sariling silya't lamesa.
"Sobra po akong natuwa," ani Cabrera. —Joviland Rita/KBK/KG, GMA News