Sinibak sa puwesto ang hepe ng Tayabas City Police sa Quezon at lima niyang tauhan kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa pagkamatay ng 21-anyos na anak ng alkalde ng Sariaya at security escort nito. Ayon sa mga pulis, holdaper daw ang mga biktima at nakipagbarilan daw sa mga pulis kaya napatay.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Christian Gayeta at security escort niyang si Christopher Manalo.

Si Gayeta ay anak ni Sariaya mayor si Marcelo Gayeta.

Sa inisyal na impormasyon mula sa Quezon Provincial Police, sinabing rumesponde ang mga pulis sa report ng umano'y panghoholdap ng dalawang lalaking naka-motorsiklo sa isang gasolinahan.

Pero nanlaban umano at nauwi sa shootout ang operasyon na nagresulta sa pagkakaptay sa dalawang suspek, na kalauna'y natukoy na sina Gayeta at Manalo.

Habang isinasagawa ang imbestigasyon sa nangyari umanong engkuwentro, lumutang ang dalawang pulis-Tayabas at nagsabi kung ano talaga ang nangyari.

"Their names crop-up dun sa investigation report ng PNP and somewhere along the way, they decided to tell the truth," sabi ni Dom Villanueva, hepe ng National Bureau of Investigation (NBI-Lucena).

Nagbigay umano ng testimonya ang dalawang pulis, at isa sa kanila ang nagsabing baril niya ang ginamit sa pamamaslang sa dalawang biktima pero hindi niya nakita kung sino mismo ang nagpaputok nito.

"Hindi nila nakita kung sino'ng gumamit ng baril. Basta ang sabi lang niya, ang baril niya ay kinuha ni na isa ring pulis-Tayabas," sabi ni Atty. Russel Miraflor, abogado ng mga pulis.

Sinabi ng NBI na may mga pangalang binanggit ang dalawang pulis at iniimbestigahan na ito ng mga awtoridad.

Tatlong pulis-Tayabas din umano ang sangkot sa pagpatay sa dalawang biktima.

"Walang motibo, walang anumang dahilan. Basta inutusan sila na meron silang tatrabahuhin," ayon Atty. Crisanto Buela, abogado ni mayor Gayeta.-- FRJ, GMA News