Mahigit isang toneladang carrots ang itinapon sa Benguet matapos umanong hindi mabenta ang mga ito dahil sa oversupply ng gulay, ayon sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras nitong Linggo.
Matatandaang bumagsak ng P1 kada kilo ang farmgate price ng ilang gulay nitong nakaraang linggo. Ang carrots, P3 hanggang P5 ang ibinaba kada kilo.
"Ang carrots ang cost of production per kilo niyan ay P16 to P17 para break even si farmer. Ibinasura, eh di syempre nalugi siya. Pag binenta man iyon ng P5, lugi pa rin siya," anang isang nagtitinda.
Batay sa presyuhan sa Pasig Public Market, nagkakahalaga ng P60 ngayon ang isang repolyo, lubos na mababa sa dati nitong presyo na P150. Ang broccoli naman, P80-P90 ang halaga ngayon kumpara sa P200 noon, ang Baguio beans, P80 mula P100, ang cauliflower naman ay P80-P90 mula P200.
Ayon pa sa ulat, posible ring magkaroon ng oversupply ng itlog sa mga pamilihan, dahilan upang mangamba ang mga negosyante.
"Dahil mahirap nang magbenta ng itlog, posible na yung matatandang lay egg, binibenta na lang," ani Gregorio San Diego, chairman ng United Broiler Raisers Association (UBRA).
Isang buwan lang ang shelf life ng itlog.
Ayon kay San Diego, marami nang huminto sa pag-aalaga ng manok. Nagbabala rin siya na marami ang mawawalan ng kabuhayan kapag tuluyang bumaba ang presyo ng manok. —KBK, GMA News