Saku-sakong hospital waste na kinabibilangan ng mga hiringgilya at mga bag ng dugong kontaminado ng nakahahawang sakit ang nakita sa ilang baybayin sa Lapu-lapu City, Cebu. Dahil dito, ipinagbawal muna ang pangingisda at pagpaligo sa lugar kung saan nakita ang mga basura.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kasama sa mga hospital waste na nakita ay tubo na ginagamit sa dialysis, bag ng dugo, sputum mula sa mga may sakit na tuberculosis at iba pang nakahahawang sakit.

May nakuha rin umanong infectious wastes mula sa baybayin ng Barangay Ibo, Pusok, at Pajo sa nasabing lungsod.

Inipon ang mga nakolektong basura sa likod ng City Environment and Natural Resources Office (Cenro) bago pinaghiwa-hiwalay ng mga kawani at opisyal ng City Health Office at ng mga taga-Cenro.

"Napakadelikado ng ganitong klaseng waste kasi may mga hose na galing sa dextrose, may galing sa dugo at may mga ampoules din. Marami at delikado itong mga basurang naka-contaminate ng tubig natin dito sa Lapu-lapu," ayon kay Adelino Padilla, ng Cenro.

"'Yung mga nurses na involved sa barangay na 'yan, sinabihan na namin na kung may makita silang basura, i-report nila kaagad," sabi naman ni Dra. Cecile Agnes Realisa, ng City Health Officer

Ikinaalarma ng lokal na pamahalaan ang pagdami ng mga nakuhang hospital wastes sa lugar. Pinagbawalan muna ang mga tao na mangisda at maligo sa lugar kung saan nakuha ang mga nasabing basura.

Pinaimbestigahan naman ni mayor Paz Radaza ang insidente para alamin kung saan nanggaling ang mga basura.

Ang mga ospital na pinaniniwalaang pinanggalingan ang mga basura, pinadalhan na rin umano ng sulat para magpaliwanag. -- FRJ, GMA News