Nagsagawa ng inspeksyon ang Pyrotechnics Regulatory Board sa mga pagawaan ng pautok at pailaw sa Bocaue, Bulacan, ayon sa ulat ni Ian Cruz sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Huwebes.
Pinangunahan ni Bulacan Governor Willy Sy-Alvarado ang pag-inspeksyon at tinungo ang pagawaan ng roman candle ng Maribel Sta. Ana Fireworks sa Barangay Duhat.
Naging maayos naman ang inspeksyon maliban sa mga napansing mga tumutulong tubig mula sa bubong ng pagawaan, ayon sa ulat.
Sabi ni Sta. Ana, hindi na ibebenta ang mga nabasang lucis bagamat sabi niya hindi naman daw ito delikado katulad ng nabasang paputok.
Mayroong 29 manufacturers at 95 na dealers ng pailaw at paputok ang may legal na permiso na mag-operate sa Bulacan.
Salamantala, hindi na raw pinapayagan ang iba pang aplikante na gumawa ng pailaw at paputok kaya titiyakin ng Bocaue Police na hindi mag-ooperate ng ilegal ang mga hindi na mabibigyan ng permit .
Nagtungo rin ang mga awtoridad sa R.T. Sayo Fireworks sa Barangay Turo para isagawa ang inspeksyon.
Aminado ang may-ari na matumal ang benta ng paputok ngayon.
Umaasa rin sila na sa papalapit na Pako at Bagong Taon, hahabol ang mga dati pa nilang mga parokyano.
Sabi ng Department of Trade and Industry (DTI), ilegal na magbenta ng mga paputok na lagpas sa 1/3 ng kutsarita ang pulbura.
Hanapin din daw ang Philippine standard seal sa mga pakete upang malaman kung dumaan sa mga pagsusuri ang bibilhing paputok at pailaw. — Joviland Rita/RSJ, GMA News