Patay ang isang 102-anyos na lolo nang masagasaan siya ng pison sa Davao del Sur. Ang driver ng pison, walang kamalay-malay na may nasagasaan na siya kung hindi pa nasabihan ng ibang driver.
Sa ulat ni R-Gil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Zosimo Embudo. Nadakip at idinetine naman ang driver ng pison na si Billy Fontanilla.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing naglalakad sa lugar si Embudo noong Lunes ng umaga sa Barangay Bangkal, Matan-ao, Davao del Sur.
Nang makaramdam ng pagod ang biktima, nagpahinga raw ito at sumandal sa roller ng pison. Nang sandaling iyon, nagpapahinga naman sa kaniyang pison Fontanilla at hindi namalayan ang biktima.
"Yung biktima, nagpahinga lang sa harapan ng pison, hindi alam ng driver. Ang driver naman, nagpapahinga rin noong time na yun pero hindi siya bumaba ng pison. So noong nag-operate na siya, unknowingly, nandoon pa pala yung biktima kaya nasagasaan niya," ayon kay Police Senior Inspector Renato Uy, hepe ng Matan-Ao Police.
Ayon kay Fontanilla, nalaman lang niya na may nasagasaan siya nang sabihan siya ng driver ng backhoe.
Humingi siya ng paumanhin sa pamilya ng biktima at iginiit na hindi niya sadya ang nangyari.
Naniniwala naman ang pamilya ng biktima na aksidente ang nangyari kaya hindi na sila magsasampa ng kaso at hihingi na lang ng tulong para maipalibing si Embudo.
Nangako naman na magbibigay ng tulong ang kompanyang pinagtatrabahuhan ni Fontanilla.--FRJ, GMA News