Bangkay na nang matagpuang ang isang 19-anyos na babae matapos na malunod sa Davao river. Ang biktima na may epilepsy, nahulog umano sa ilog nang magulat dahil may nambato ng bote mula sa mga nag-away na "solvent boys."
Sa ulat ni R-Gil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Erlita Cabantao, na nahulog sa ilog noong Biyernes ng hapon.
Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Philipine Coast Guard-Davao Station para mahanap si Cabantao pero nabigo sila.
Linggo na nang hapon nang lumutang ang katawan ng biktima at mismong ang kapatid niya ang nakakita. Kaagad nilang itinali ang katawan nito para hindi na matangay pa ng tubig palayo.
Nalulungkot man ang ina ng biktima sa sinapit ng anak, masaya na rin siya dahil nakita ang katawan nito.
Gayunman, hindi maalis ng ina maghinanakit dahil hindi raw sana mahuhulog ang kaniyang anak anak sa ilog kung hindi ito nagulat dahil sa boteng ibinato ng mga nag-riot malapit sa kanilang lugar.
Lumabas naman sa imbestigasyon ng Davao City Police Office na may nag-away na grupo sa itaas ng tulay pero napunta lang ang mga bote sa mga residenteng nakatira sa gilid ng ilog.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakakilanlan ng mga lalaking nag-away. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News