Patay na nang matagpuang ng kaniyang mga kaanak ang isang walong-buwang-gulang na sanggol matapos siyang lumusot sa butas ng sahig at mahulog sa baha na dulot ng bagyong Ompong sa Albay.
Sa ulat ng GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Crissa Joy Porteria na natutulog umano sa kanilang bahay nang mahulog sa baha.
Sinabi ng mga magulang ng bata na hindi nila kaagad napansin na nahulog pala ang kanilang anak hanggang sa makita nilang lumulutang na ito sa tubig.
Samantala sa bayan ng Polangui, Albay, inilikas ang mahigit 20 pamilya dahil sa pagbabanta ng masamang panahon.
Nananatili sa bahay ang mga inilikas sa paaralan sa Barangay Centro.
Binabantayan din ang maaaring pag-apaw ng Quinale River.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News