Nagkakagulo ang mga taga-suporta sa magkabilang kampo ng mayor at vice mayor sa bayan ng San Francisco sa lalawigan ng Quezon.

Habang tumitindi ang away pulitka, apektado ang mga batayang serbisyo ng bayan dahil sa alitan sa pagitan nina Mayor Joselito Alega at ni Vice Mayor Ernani Tan.

Photos by Peewee Bacuño

 

Kabilang sa epekto ng away-pulitika ang pagkabinbin ng mga proyekto ng mga barangay, at ang pagkaantala sa mga serbisyo ng Municipal Social Welfare and Development at Rural Health Office, kabilang na ang pahinto-hinto na operasyon ng health center.

Ilang buwan na rin umanong hindi na nakatanggap ng sahod ang mga emplado ng municipal hall dahil sa kaguluhan.

Hindi rin makapag release ng budget para sa basic services ang munisipyo dahil hindi makapirma sa mga papeles at hindi pa naisaayos ang specimen signature ng mayor na gagamitin sa bangko.

Ayon sa mga opisyal na nakapanayam ng GMA News, mayorya sa mga miyembro ng sangguniang bayan ay kaalyado ni Vice Mayor Tan.

Hindi malaman ng mga tambayan kung sino ang tunay na mayor na siyang dapat pipirma sa mga opisyal na transaksiyon.

Araw-araw ay nagkikilos-protesta ang mga supporter ni Mayor Alega sa labas ng munisipyo. Hindi maiwasan ang pagkakaroon ng tensyon sa pagitan ng mga supporter ng dalawang kampo.

Nagkakagulo rin sa mga tanggapan dahil nagtalaga ng sariling municipal accountant ang acting mayor. Naka-padlock ang accounting office kung kayat di makapasok ang mga empleado.

 

Nagsimula ang kaguluhan matapos katigan ng Court of Appeals ang apila ni Mayor Alega na mapababa ng anim na buwan ang dating isang taon na suspensyon sa kanya sa isang kasong nadesisyunan ng Ombudsman.

Ayon kay Alega, dahil sa pagkatig sa kanya ng CA ay inutusan siya na bumalik na sa puwesto.

Hindi naman ito tinatanggap ng acting Mayor Tan dahil hawak naman niya ang isang Interior Memorandum na nagsasabing dapat tapusin ni Alega ang 1 year suspension na inihatol ng Ombudsman, kung kayat siya pa rin umano ang dapat na umaktong mayor.

Pahayag ni Alega, hindi siya bababa sa pwesto bilang mayor, kahit na anong order raw ang dumating ay hindi niya iiwan ang munisipyo.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Vice Mayor Tan.

Panawagan ng mga taga-San Francisco, sana raw ay matapos na ang mga kaguluhan sa kanilang bayan upang makausad na ito. —LBG, GMA News