Apat ang sugatan, isa sa kanila malubha, nang mahulog sa bangin sa bayan ng Atimonan sa lalawigan ng Quezon ang isang trak nitong Biyernes ng umaga.

Batay sa inisyal na ulat ng Atimonan police, nasa kritikal na kalagayan ang driver ng trailer truck.  Sugatan din ang dalawang pahinante at ang asawa ng driver na kasama sa biyahe.

Nahulog ang truck sa bangin sa may New Diversion Road, Barangay Malinao, Ilaya sa bayan ng Atimonan dakong 6:30 ng umaga.

Photo courtesy: Atimonan police

Ayon sa Atimonan police, patungo sana sa Bicol ang trailer truck na may kargang construction materials nang mawalan ng control ang driver sa pababang bahagi ng highway.

Sa bigat ng karga nito ay hindi na kumapit ang preno at tuluyang bumulusok sa bangin.

Naging pahirapan ang pag-rescue sa mga sugatan dahil malalim ang bangin.

Nagtulong-tulong ang mga taga-Bureau of Fire Protection (BFP) at taga-Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para (MDRRMO) upang makuha ang mga sugatan at madala sa pagamutan.

Accident prone area ang pinangyarihan ng panibagong aksidente. Sa loob lamang ang isang buwan ay aabot na sa walo ang nasawi sa mga aksidente na naitala sa nasabing lugar. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News