Natagpuang patay ang isang batang apat na taong gulang sa Matan-ao, Davao del Sur. Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinakal umano ang biktima gamit ang tangkay ng dahon ng saging.
Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Mark Dave Malayang, na walang saplot nang matagpuan.
Ayon lolo ng biktima, may nakitang sugat sa noo ng kaniyang apo na maaaring tama ng bato.
Nakita ang bangkay ng bata sa isang ilog sa Sitio Botilin sa Barangay Kabasagan.
Naglalaro lang daw ang biktima nang huli nakitang buhay.
"May nag-report sa atin doon sa himpilan na may patay na body ng bata na binigti. So pinuntahan ng mga imbestigador natin doon nakita na yung bata nandoon na sa ilog," ayon kay Police Chief Inspector Renato Uy, hepe ng Matan-ao police.
Hindi kinaya ni Mariano Malayang, na tingnan ang kaniyang anak nang matagpuan dahil sa kalunos-lunos nitong hitsura.
"Pagdating ng mga pulis binaliktad nila paharap wala na talaga ang anak ko. Tumingin lang ako saglit tapos umalis na ako," ayon sa ama.
Bagaman may nakita umanong sugat sa maselang bahagi ng katawan ng biktima, sinabi ni Uy posibleng natamo ito ng bata dahil sa pagbagsak.
"Result na 'yon siguro nung gasgas dun sa pagkabagsak niya. Yun lang po kasi nakahubad man yung bata," anang opisyal.
Patuloy pa ang iniimbestigahan ng pulisya para malutas ang krimen habang hustisya naman ang hiling ng pamilya. -- FRJ, GMA News