Dalawa ang nasawi, habang 14 ang nasugatan matapos magkarambola ang isang bus at dalawang truck sa Atimonan, Quezon. Ang bus, nahulog pa sa bangin.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga nasawi na sina JM Bron, driver ng bus, at ang pasahero niyang si Lorenzo Lizana.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na magkakasunod na binabagtas ng dalawang truck at isang bus ang lugar dakong 10:00 p.m. nitong Martes patungong Bicol mula sa Maynila.
Sumalpok umano ang trailer truck sa likod ng pampasaherong bus, na sa lakas ng pagkakabangga at mahulog sa bangin.
Dinala ang ilan sa mga sugatan sa Quezon Memorial Medical Hospital, kabilang sina Sophia at Danilo Jarque, at apo nila sa tuhod na si Matthew de Jesus, tatlong-taong gulang.
Kasama rin sa mga sugatan ang driver ng nakabanggang truck na si Frankie Abalos, na malubha ang kalagayan.
Masuwerte namang nakaligtas ang pahinante niyang si Joshua Hersano, na nakatalon mula sa trak nang mangyari ang sakuna.
"Dalawa, tatlong zigzag, parang nag-loose [break] na siya. Hindi na kumapit 'yung brake niya. Sabi ng driver ko, 'Josh wala tayong preno.' Sabi ko 'wag kang magbiro ng ganyan. Sabi niya, ''Di nga totoo promise.' Tapos noong bumulusok na 'yung truck namin sabi niya, 'Josh, talon!," kuwento niya. -- FRJ, GMA News