Patay na nang datnan ng isang ginang ang kaniyang 18-anyos na anak sa loob ng tinutuluyang bahay sa Cabuyao, Laguna. Ang suspek sa krimen, ang kinakasama ng biktima na nag-text umano sa ina ng babae kaugnay sa nagawa niyang krimen.
Sa ulat ni Pia Arcanghel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Marian Valenzuela, na natagpuan patay sa kaniyang bahay sa Barangay Baclaran sa Cabuyao.
Nagtamo siya ng dalawang saksak sa dibdib.
Suspek sa krimen ang mismong ang live-in partner ng biktima na si Ryan Egoc, 28-anyos.
Ayon kay Maritess, ina ng biktima, nag-text pa sa kaniya si Egoc nang mapatay daw nito ang kinakasama.
Noong isang linggo pa raw nag-aaway ang dalawa dahil sa pagseselos ni Egoc kay Marian.
"Yung anak ko daw kinaladkad niya sa daan papunta sa bahay nila. Tapos binalya daw, 'di pumunta agad ako, pagdating ko doon tapos na. Sabi ng anak ko, 'ma, sinuntok niya ako sa sikmura. Tapos may pasa 'yung anak ko sa likod," kuwento ni Maritess.
Hinihinala ni Maritess na nagseselos si Egoc sa anak dahil sa pag-aakala nito na may nanliligaw sa biktima.
Nanawagan si Maritess kay Egoc na sumuko na at panagutan ang ginawang krimen.
Naulila ni Marian ang dalawang anak.
Naglunsad na ng manhunt operation ang Cabuyao police laban para madakip ang suspek na si Egoc. -- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News