Patay ang batang babae na dalawang-taong-gulang matapos siyang suwagin ng isang kalabaw sa Legazpi City, Albay. Ang naturang insidente, ika-apat na panunuwag ng hayop sa bata.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, ikinuwento ng ina ng biktima, na naglalaro ang kaniyang anak na si Kimberly Joy nang biglang umatake ang kalabaw.

Kasama raw ng biktima sa paglalaro ang kapatid at pinsan nito nang umatake ang hayop at suwagin sa tagiliran ang bata.

Kaagad na isinugod sa ospital ang batang biktima pero pumanaw din kalaunan.

Ang naturang insidente ang ika-apat na raw na panunuwag ng kalabaw sa bata.

Plano ng pamilya na ipagbili ang kalabaw para may panggastos sa pagpapalibing sa bata. -- FRJ, GMA News