Muling iginiit ni US President-elect Donald Trump na ipade-deport niya ang mga ilegal na imigrante at poprotektahan naman ang tinatawag niyang "dreamer" immigrants. Nais din niyang ipatigil ang birthright citizenship, o ang pagiging US citizen ng mga sanggol na doon isinilang kahit ano pa ang nasyunalidad ng mga magulang.
Sa ulat ng Reuters, sinabing inihayag ni Trump ang mga plano nitong gawi sa "Meet the Press with Kristen Welker” na ipinalabas sa NBC News nitong Linggo.
Sa sandaling pormal na maluklok sa White House sa Enero 20, 2025, inaasahan na magdedeklara umano si Trump na national emergency dahil sa usapin ng illegal immigration na magbubunsod ng malawakang crackdown.
Tinataya ng US Department of Homeland Security na nasa 11 milyon ang imigrante na ilegal na nasa Amerika hanggang Enero 2022, na posibleng mas mataas pa umano.
Nang tanungin ni Welker si Trump kung plano niyang ipa-deport ang lahat ng walang legal status, tugon niya, "I think you have to do it."
"It’s a very tough thing to do. You know, you have rules, regulations, laws," patuloy niya.
Sinabi rin ni Trump na nais niyang magkaroon ng kasunduan upang protektahan ang mga tinatawag niyang "dreamer" na imigrante. Sila ang mga ilegal na dinala sa US noong mga bata, at sinabi niyang bukas ang mga Republican sa ideyang ito.
Sa panahon ng kanyang pagkapangulo noong 2017 hanggang 2021, sinubukan ni Trump na wakasan ang isang programa na nagbibigay ng proteksyon laban sa deportasyon at mga permit sa trabaho para sa mga imigrante, pero ibinasura ito ng Korte Suprema.
Susubukan din ni Trump na wakasan ang birthright citizenship ngunit posibleng makaharap umano ng matinding hamon sa legalidad. Ang naturang karapatan kasi, nagmumula sa isang amyenda ng Konstitusyon ng US at sinusuportahan ng isang desisyon ng SC noong 1898.
Sinabi ni Trump kay Welker na kakailanganin ng mga mambabatas na Republican na amyendahan ang naturang probisyon, na aminado siyang mahirap na proseso.
"We'll maybe have to go back to the people," ayon kay Trump.
Sinabi naman ng incoming border czar ni Trump na si Tom Homan, at deputy chief of staff na si Stephen Miller, sa "Sunday Morning Futures" ng Fox News, na kailangang magbigay ang Kongreso ng malaking pondo para maipatupad ang mga patakaran tungkol sa imigrasyon.
Ayon sa pro-immigration American Immigration Council, aabot sa $88 bilyon bawat taon ang gagastusin sa pagpapa-deport ng lahat ng ilegal na imigrante sa US sa loob ng higit sa isang dekada.
Sinabi ni Homan na ang pinakamababang halaga na kinakailangan ay malapit sa pondong nabanggit.-- mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News