Inaresto ang dalawang Pinay sa South Korea matapos na iwanan nila ang kanilang mga amo at lumipat ng ibang trabaho kahit isang buwan pa lang silang nagtatrabaho bilang caregiver na bahagi ng pilot program ng Pilipinas at S.Korea.
Ang dalawang inaresto ay kasama sa 100 caregivers na bahagi ng six-month pilot program sa pagpapadala ng Pilipinas ng mga caregiver sa South Korea.
Dahil sa nangyari, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na rerepasuhin nila ang programa, pero tuloy naman ang kontrata ng iba pang caregiver na nasa S.Korea.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni DMW Undersecretary for Licensing and Adjudication Bernard Olalia, na nagreklamo ang dalawang caregiver na labis umano ang trabaho.
Nang magkaroon ng holiday break, umalis ang dalawa sa kanilang mga amo at hindi na bumalik kahit nakakaisang buwan pa lang sila sa kanilang kontrata.
“May nakita silang isang trabaho na isang nag-offer ng employment as a cleaner. So kaya doon sila nahuli, doon sa panibago nilang employer. So nung nahuli sila, dinala po sila sa immigration authority sa Busan,” ayon kay Olalia.
Nasa kustodiya ng Busan immigration authorities ang dalawa at iniimbestigahan. Nagbibigay naman ng legal na tulong sa kanila ang DMW.
Magsasagawa ng pagrepaso ang DMW tungkol sa programa at makikipag-ugnayan sila sa Korean Ministry of Employment and Labor (MOEL).
"It's a pilot program and we expect certain challenges, issues, and problems along the way, which are now being carefully addressed by both sides. 'Yun ang kagandahan ng longstanding bilateral labor relationship between Korea and the Philippines. We are equipped to address these issues and concerns as we have for the last 20 years from the Employment Permit System," ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
Sinabi rin ni Cacdac na isolated incidents ang nangyari sa dalawang Pinay caregiver at hindi makakaapekto sa programa.
“Medyo nakaantala in the sense na we have to go through the process na iimbestigahan natin yung dalawa. In terms of timeline, hindi natin masasagot pa kasi hindi pa natin alam kung kailan matatapos yung kanilang investigation,” sabi ni Olalia.-- FRJ, GMA Integrated News