Kabilang ang 73 Pilipinas sa halos 800 katao na nasakote ng mga awtoridad ng Laos sa kanilang kampanya laban sa cyber scam. Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), kumikilos na ang Pilipinas upang matulungang makauwi sa bansa ang mga Pinoy.

Sa mensaheng ipinadala ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa GMA News Online nitong Biyernes, sinabi niya na gumagawa na ng hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA) para mapauwi ang mga nadakip na mga Pinoy.

Pagdating nila sa Pilipinas, sinabi ni Cacdac na tutulungan ng DMW ang naturang mga Pinoy.

Dahil sa insidente, pinayuhan ni Cacdac ang mga Pinoy na nais magtrabaho sa ibang bansa na tiyakin na mayroon silang work visa, pati na ang kontrata na nasuri ng DMW. Tiyakin din na licensed recruitment agency ang kanilang kausap.

Naaresto ang 800 katao ng mga awtoridad ng Laos na nagtatrabaho sa isang cyber scam network na nasa isang "special economic zone" sa border ng Myanmar at Thailand, ayon sa local media.

Sa isang ulat ng Agence France-Presse, pinaghihinalaan na pugad ng iligal na aktibidad sa nakalipas na taon ang isang Chinese-owned casinos at hotels sa Golden Triangle Special Economic Zone (SEZ), nasa Bokeo province.

May kabuuang 771 katao ang nadetine sa naturang operasyon na karamihan ay mula sa Laos, Myanmar at China. Ang ilan sa kanila, nagmula sa Burundi, Colombia, Ethiopia, Georgia, India, Indonesia, Mozambique, Tunisia, Philippines, Uganda at Vietnam.

Ang pagsalakay ay bahagi ng mas malaking hakbang ng kanilang pamahalaan para buwagin ang transnational crimes sa SEZ, ayon sa ulat.

Pito, na-repatriate na-- DFA

Samantala, sinabi ng DFA ngayong Biyernes na pito sa mga naaresto sa Laos ang natulungan nang makauwi ng Pilipinas.

Ayon sa pahayag ng DFA, inaasikaso rin nila ang repatriation ng 75 pang Pinoy. Sa kabuuan, 129 umano ang humingi ng tulong na makauwi sila sa bansa.

“So far, we have responded to 129 requests for assistance, and already repatriated 7 Filipinos today. The Embassy is currently arranging the repatriation of 75 more Filipinos,” saad ng DFA.

“The team stands ready to assist Filipinos who may still be remaining in the Golden Triangle and will continue to work with Lao authorities to ensure their safety,” dagdag nito.

Ayon sa DFA, dalawang opisyal ng Office of the Undersecretary for Migration Affairs (OUMA) ang nasa Laos para tulungan ang mga Pinoy na naaresto.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News