Kabilang ang mga overseas Filipino worker (OFW) na paalis ng bansa at may mga pauwi ng kani-kanilang lalawigan ang stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos makansela ang mahigit 100 flights dahil sa kagupit ng Habagat at Super Typhoon Carina nitong Miyerkules.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras," sinabing karamihan sa mga nakanselang biyahe ng mga eroplano ay patungong Taiwan, kung saan inaasahang tatama ang bagyo sa Miyerkules ng gabi.

Sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA) dakong 2:45 pm., nasa 114 flights ang nakansela na sa lahat ng terminal ng paliparan.

Kasama sa mga kanseladong domestic flight at international flights mula sa Philippine Airlines, PAL Express, CEBGo, Cebu Pacific, KLM Royal Dutch Airlines at EVA Air.

Bukod sa mga nakanselang biyahe, mayroon ding mga naantala ang biyahe na dahilan para ma-stranded ang maraming pasahero sa Terminal 3. Isinara naman ang Terminal 4, dahil sa pagbaha.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), bukod sa mga OFW na karamihan ay patungong Taiwan, may mga OFW rin na may mga connecting flights pauwi sa kani-kanilang probinsiya na hindi nakabiyahe.

Pinapunta ang mga OFW sa OFW Lounge sa Terminal 3 na may nakahandang libreng pagkain at maiinom para sa kanila.

“Assisted naman sila lahat. Not only sa lounge, but also OWWA notified our migrant workers offices sa Taiwan. They are assisting stranded [passengers] sa end nila. Of course, helping kung kailanganin ng monitoring slip or something ipakita sa employer nila,” ayon kay DMW Assistant Secretary Kiko de Guzman.--FRJ, GMA Integrated News