Nangangailangan ang Singapore at Saudi Arabia ng mga health and skilled workers, at mga Pilipino umano ang prayoridad.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing kailangan ng Singapore ng mga skilled worker gaya ng ICT professionals, precision engineering, medical at healthcare workers, kasama ang mga nursing aid.

Inihayag ito ng ambassador ng Singapore na si Constance See, kasabay ng pagdiriwang ng Philippine-Singapore Friendship Week.

Mga Pinoy umano ang prayoridad nila pagdating sa pagkuha ng mga nurse.

Sa ngayon, tinatayang nasa 200,000 na mga Pilipino at naninirahan at nagtatrabaho sa Singapore.

Samantala, inihayag din ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, na kailangan din nga Saudi Arabia ng mga karagdagang mga skilled at health care workers.

Kagagaling lang ni Cacdac sa KSA, at sinabi nito na magkakaroon ng pagrepaso sa bilateral agreement ng dalawang bansa, bago ang nakatakdang pag-renew ng kasunduan upang lalo pang matiyak ang kapakanan at proteksyon ng mga OFW doon.-- FRJ, GMA Integrated News