Ibinida ng Filipino community sa Canada ang kulturang Pinoy sa pagdiriwang ng Victoria Day.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkules, ipinakita ang video ng parada na tila Santacruzan.
Suot ng mga lumahok ang makukulay na damit at kasama rin sa parada ang iconic Pinoy jeepney.
Ibinida rin ng mga Pinoy ang kapistahan sa Pilipinas gaya ng Panagbenga sa Baguio City, Kadayawan sa Davao City, at ang Sinulog sa Cebu.
Ang Victoria Day ay isang federal Canadian public holiday na ipinagdiriwang tuwing Mayo na pagbibigay-pugay sa kapanganakan ni Queen Victoria.
Samantala, itinampok ang mga pagkaing Pinoy sa sa Taste Asia Food and Cultural Festival sa Halifax Waterfront, sa Canada rin.
Ang food fest ay bahagi ng taunang selebrasyon ng Asian Heritage Month na ginaganap tuwing Mayo.--FRJ, GMA Integrated News