Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na taliwas sa mga lumalabas sa social media, walang pag-amin sa krimen na ginagawa sa ngayon ang dalawang Pinoy na inaresto kaugnay sa pagkamatay ng mag-asawang Hapon sa Tokyo, Japan.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, may mga ulat ng media sa Japan na kabilang umano sa mga hawak na ebidensiya ng mga awtoridad sa Tokyo laban sa Pinay na inaresto kaugnay sa pagkamatay ng mag-asawang Hapon, ay ang kuha ng CCTV camera na nahuli-cam siyang bumibili ng mga patalim o kutsilyo.
Sinabi ni De Vega, kasama sa mga ulat na lumabas ay ang pagkakakita sa DNA ng dalawang Pilipino sa bahay ng mag-asawang biktima kung saan nakita ang kanilang bangkay na may mga saksak.
Ang babaeng Pilipino na inaresto, nakita rin ang DNA sa murder weapon, o patalim na nakita sa mga biktima.
“Ang ebidensya daw, according to newspapers, is ang DNA ng dalawa nakita sa residence at ‘yung sa babae pa nga kasama pa raw sa murder weapon na nakita, na kutsilyo," pahayag ni De Vega sa Bagong Pilipinas Ngayon.
"Mayroon din daw silang evidence via CCTV na bumili ang babae ng mga daggers, mga kutsilyo, before nangyari ang insidente,” patuloy ni De Vega.
Gayunman, sinabi ni De Vega, na ang naturang mga impormasyon ay hindi pa kinukumpirma ng pulisya ng Tokyo sa Philippine Embassy.
Nang mangyari ang krimen noong Enero 16, 2024, nakita sa CCTV camera ang dalawang Pilipino na lumabas mula sa bahay ng mag-asawang Norihiro at Kimi Takahashi.
Noong una, inaresto ang dalawa dahil sa "pag-abandona" sa bangkay ng mga biktima. Pero muling inaresto ang dalawa makaraang makakita ng ebidensya na kailangan pa silang imbestigahan kaugnay sa posibleng kinalaman nila sa nangyari sa mga biktima.
“Malalaman natin by March 23 or 24, or bago matapos ang buwan, kung ano ang huling desisyon ng piskalya at kung sasampahan sila ng kasong double murder. Kung ganon, mas lalong todo-bigay ‘yung assistance na kasi seryosong crime ang double murder,” ayon kay De Vega.
Sinabi rin ni De Vega, na walang pag-amin sa krimen na ginawa ang dalawang Pilipino, taliwas sa ilang lumalabas sa social media post.
“Wala silang inaamin sa pulis, ‘yan ang gusto kong i-emphasize. Wala silang inaamin na kasabwat sila rito or what,” paglilinaw ng opisyal. —FRJ, GMA Integrated News