Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad sa Tokyo, Japan kung may kinalaman sa pagkamatay ng mag-asawang Hapon ang dalawang Pilipino na naunang inaresto dahil sa pag-abandona sa mga biktima.
Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega, ang muling pag-aresto sa dalawang Pinoy.
"We will see in the next few weeks what will be the final charges to be filed against them," saad ng opisyal sa text message sa GMA Integrated News.
Nakikipag-ugnayan umano ang Philippine Embassy sa mga awtoridad at handa silang patuloy na bigyan ng legal na tulong ang dalawang Pinoy.
Ayon kay De Vega, ang muling pag-aresto ay mangangahulungan ng panibagong imbestigasyon.
Una rito, nakita sa CCTV footage ang dalawang Pinoy na lumabas mula sa bahay ng mag-asawang biktima na sina Norihiro at Kimi Takahashi na nakitang patay noong Enero 16, 2024.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng mga Pinoy na sina Bryan Dela Cruz at Hazel Ann Baguisa Morales.
Nang una silang arestuhin, hindi pa sila ikinukonsiderang suspek pero iniimbestigahan sila sa pag-iwan nila sa bangkay ng dalawang biktima. — FRJ, GMA Integrated News