Lumagda sa kasunduan ang Department of Migrant Workers at Cybercrime Investigation and Coordinating Center upang pag-ibayuhin ang proteksyon sa mga overseas Filipino worker laban sa mga scammer.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA New "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni DMW OIC Secretary Hans Leo Cacdac, lumalawak na ang ginagawang pananamantala sa mga OFW.
"Dati illegal recruitment lang pero ngayon lumawig na sa human trafficking, lumawig na sa investment scams, consumer fraud. Lilinlangin sila para lang makataga ng pera [ang scammer] and drain their hard earned income and resources," anang opisyal.
Sa nilagdaang memorandum of understanding ng DMW at CICC, tututukan nila ang cybersafety ng mga OFW upang hindi sila maloko ng mga scammer gaya ng mga nag-aalok ng investment.
"Sa laki ng halaga na pumapasok, maraming butas na puwedeng mapagsamantalahan ang ating mga kababayan," ayon naman kay Usec Alexander Ramos, executive director, CICC.
Ang mga OFW na naloko o na-scam, maaaring magsumbong sa hotline 1326, at puwede ring i-scan ang QR code para makausap ang kanilang agents na 24/7.
Nang subukan na tawagan ang hotline, kaagad na may sumagot sa inter-agency response center ng CICC. Mula sa naturang tanggapan, susuriin ang sumbong para alamin kung saang cybercrime division ipadadala ang reklamo upang kaagad na maimbestigahan.
Nakapaloob din sa kasunduan na bibigyan ng advance notification at pre-departure orientation ang mga OFW bago umalis.
Nagpaalala din ang dalawang ahensya sa mga OFW na mag-ingat sa love scam lalo na ngayon papalapit na ang araw ng mga puso. --FRJ, GMA Integrated News